Heto Ang Mga Halimbawa Ng Tula Para Sa Mga Guro
TULA PARA SA GURO – Ang ating mga guro ang isa sa pinakamahalagang tao sa ating buhay.
Sila ang nagbibigay sa atin ng gabay sa pang araw-araw natin na buhay sa paaralan. Kung wala ang mga guro, hindi aasenso ang ating bayan.
Sabi nga ni Jose Rizal, “Ang Kabataan Ang Pagasa Ng Bayan”. Pero, kung walang mga guro para gabayan ang mga kabataan natin, wala ring mangyayari dahil walang edukasyong magaganap.
Dapat nating bigyang halaga ang edukasyon. Kaya naman, dapat rin nating bigyang halaga ang ating mga guro. Isa sa paraan nito ang pagsulat ng tula para sa kanila katulad ng mga susunod na halimbawa:
Sa Mga Guro | Donward Cañete Gomez Bughaw
Kapagka ang yeso ang ipinambato
Doon sa madaldal na estudyante mo,
At saka-sakaling tamaan ang ulo,
Bala ang babalik sayo mismong noo!
Kapagka pambura’y ipahid sa mukha
Niyong mag-aaral na tatanga-tanga,
Pakaiwasan mo’t baka maging kawa
Yaong igaganti sa iyong ginawa!
Kapagka ang pluma ang siyang ginamit
Sayong panghuhusga’y mag-ingat na labis;
Sapagkat di tinta yaong ipapalit,
Kundi ang dugo mong mas nakakahigit!
Kapagka ang luha’y mamatak sa lupa
Niyong estudyanteng labis na nagdusa–
Pakaasahan mo’t gaganti ang bata,
Ika’y sisingilin hanggang sa pagtanda!
Guro, Tulay sa Magandang Bukas | Rey O. Dasalla
Propesyon nila ang humubog sa isipan,
Ng mga mag-aaral na pag-asa ng bayan;
Hirap at pagod kanilang natatamasa,
Matuto lamang mga mag-aaral sa asignatura.
Kahit minsan lang mabati ng mga mag-aaral
Sa loob ng klase ay may ngiting katapat
Nakikita nya ang mga mata ng kalungkutan
Kasiyahan, galit o taglay na kabutihan
May mga estudyanteng walang pakialam
Sa mga bagay na itinuturo sa eskwelahan;
Iniintindi nila ang taglay nilang mga asal
Isang gawain ng isang gurong marangal.
Kung sana ay ating mawari, ating alamin
Kapwa ko estudyante, sana ay intindihin;
Mga butil ng kaalaman na kanilang itinanim
Para sa kagandahan ng kinabukasan natin.
Guro Ko, Hero Ko | James P. Nacionales
Kadalasa’y bumibilib tayo sa kanila
Sa pagmamahal at sa kanilang tyaga
Kaya tayong mga mag-aaral ay mahal din sila
Dahil tayo ang nangungunang tagahanga nila.
Ngunit alam nating hirap na rin sila,
Kaya naman pahalagahan natin sa twina
Salamat sa pag-aaruga at sa kaalaman ninyo,
Dahil sa inyo ako’y dagling natuto.
Salamat po talaga ng marami
Dahil sa kaalama’y kami ay di nahuhuli,
Mahal po namin kayo, walang magbabago
Kahit pa magbago ang ikot nitong mundo.
Kayo po ang pangalawang magulang ko
Dahil sa inyo, naeengganyong magbago
Sana ay patnubayan kayo ng ating Panginoon,
Guro ko, Hero ko sa habampanahon.
BASAHIN DIN: Ano Ang Promodiser? Kahulugan At Halimbawa Nito